
.
ISANG PANAWAGAN SA KAPATIRANG NASA DIASPORA: TULUNGAN NINYO KAMI SA MINISTERYO NG PAGSUSULONG NG KAHARIAN NG PANGINOON SA PILIPINAS
Ako ay bumabati sa lahat ng mananampalatayang Pilipino na nasa pangangalat (diaspora) sa iba’t ibang bansa ng daigdig. Kayo na tinaguriang bagong bayani ng bansa — magandang araw sa inyong lahat.
Inihihingi ko ng paumanhin ang lubhang mahabang panahong hindi ko nagawang kayo ay padalhan ng liham, bagaman ako ay nakikibalita tungkol sa inyo sa inyong pastor, diakonesa at mga kaanak. Nawa’y datnan kayo ng liham na ito na nasa isang malagong buhay espirituwal at masaganang buhay materyal.
Naniniwala akong inyong nababalitaan ang mga pangyayari sa ating bansa. Ang hindi mapigilang graft and corruption, ang pagdami ng mga batang hindi nakapag-aaral na ang kinakasanayan ay ang suminghot ng rugby upang makalimutan pansamantala ang kanilang gutom samantalang ang kanilang katawang lupa naman ay unti-unting sinisira ng sakit.
Sa aking narinig ay mahigit isang libo na mga Pilipino ang umaalis sa bansa bawat araw upang sa iba’t ibang bansa ng daigdig maghanapbuhay o panatilihang manirahan. Sa pinakamarami sa kanila ang nagbunsod na umalis ay ang kawalan ng oportunidad sa ating bansa at ang pagnanais na hanguin sa kahirapan ang mga kapamilyang naghihirap. — Ang kanilang layunin sa pag-alis ng bansa ay makatwiran at mayroong lunas na maitutulong sa paglutas ng suliraning pambansa.
Ngunit ang totoo, ang tanging solusyon sa suliranin ng bansa ay ang Panginoong Hesus. Kailangang ang Panginoong Hesus ay maipakilala sa lubhang maraming Pilipino at tanggapin naman nilang Panginoon ng kanilang buhay. Salamat at ngayon ay lubhang aktibo ang maraming mga denominasyon, mga kongregasyon, at mga lider ng pananampalatayang Kristyano na akayin ang mga tao ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang kumilala at pumasailalim sa paghahari ng Panginoong Hesus.
Ang IRM na kinabibilangan ng kongregasyon na inyong pinagmulan ay aktibo sa gawain ng pagpapalaganap. — Ang totoo, pinagsisikapan namin na mga lider ng IRM na makapagtayo ng 300 o higit pang kongregasyon sa loob ng 27 buwan simula sa buwan ng Hulyo (at magtatapos sa Disyembre 2010). Sa maraming lugar ay bukas ang puso ng mga Pilipino, ngunit ang kalungkutan sa amin ay:
- walang magugol na salapi ang handang humayo upang dalhin ang balita ng kaligtasan sa kanila,
- kulang ang manggagawa sa dahilang walang maitustos sa kanilang pagsasanay at allowances pagkatapos ng pagsasanay,
- ang kasulukuyang mga mangagagawa ay tumatanggap lamang ng Php2,000.00* bawat single missionary at Php3,500.00* ang married missionaries. Mayroong 148 na manggagawa ang ganito ang natatanggap. Sa ngayon ang halagang ito ay kulang pa sa pagkain ng mga kinauukulan.
Ang Banal na Kasulatan ay mayroong tatlong paraan na itinuturo upang magkaroon ng salapi para sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos at pagsusulong ng Kaniyang kaharian. Ang tatlong kaparaanang ito ay ang sumusunod:
1. Ang ikapu o pagbabalik sa Diyos ng ikasampung bahagi (10%) ng kinikita ng mga mananampalataya. — Malakias 3:8-12
2. Ang kusang loob na handog. Ito ang halagang ibinibigay ng mananampalataya na kinuha mula sa siyamnapung porsyento (90%) na natira. — 2 Corinto 8:1-5
3. Ang kaloob na may pagpapakasakit. Ito ay ang pagkakaloob na isinasakripisyo na pati ang pansariling pangangailangan. Ang ilan sa mga talata ng Kasulatan na nagtuturo nito ay ang 2 Corinto 8:1-5.
Ang Katuruan ng Ikapu
May mga nagsasabing ang pagbabalik sa Diyos ng ikapu (ikasampung bahagi ng kinikita) ay sa panahon lamang ng Matandang Tipan at sa mga Hudyo lamang ipinag-uutos. Ang ganoong turo ay kakontra ng sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo 23:23 na ganito ang pagkakasabi:
Sa aba ninyo mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ibinibigay ninyo ang mga ikapu ng gulaying walang halaga ngunit kinaliligtaan ninyong isagawa ang lalong mahahalagang aral sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Tamang gawin ninyo ang mga ito, ngunit huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang iba.
Maliwanag na sinabi ng Panginoong Hesus sa bawat mananampalataya sa talatang ito na ang ikapu ay dapat ipagpatuloy sa panahon ng Bagong Tipan. Sa pagpansin sa talata ay makikitang mayroong dalawang utos na binitawan ang Panginoon. Ito ay ang mga sumusunod:
1. “Tamang gawin ninyo ang mga ito…”
Ang tinutukoy Niya ay ang mga sumusunod:
- katarungan
- pagkahabag
- katapatan
2. “…ngunit huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang iba.”
Ito naman ang tumutukoy sa ikapu.
Bayaan ninyong ihanay ko sa inyo ang aral ng Biblia sa pagsipi sa pangunahing talata tungkol dito na mababasa sa Malakias 3:10:
“Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig, upang may makain sa aking bahay.”
Bring the whole tithe into the storehouse, that there may be food in my house.”
“Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig…”
“Bring the whole tithe into the storehouse…”
Hindi kakaunting mga pastor ang natuturo na ang ikapu ng kapatiran ay dapat dalhin sa kongregasyon o simbahan na doon tumatanggap ng pagkaing espirituwal ang isang kapatid. — Sa aking palagay ang turong ito ay dapat ipailalim sa kaunti pang pagsusuri at pag-aangkop (adaptation).
Noong panahon ng Matandang Tipan, ang lahat ng mamamayang Hudyo ay dinadala ang kanilang ikapu sa storehouse (kamalig) sa Jerusalem. — Mula sa iisang storehouse na ito nanggagaling ang lahat ng pangangailangang pangkabuhayan ng lahat ng mga Levita (isa sa 12 lahi ng Israel) at ng mga saserdote.
Kung ang sistema ng Matandang Tipan ang susundin ngayon sa panahon ng Bagong Tipan ay dapat na mayroong isang lugar (storehouse o kamalig) lamang ang padadalhan ng lahat ng ikapu ng mananampalataya sa lahat ng dako ng daigdig at mula roon ay ipapadala naman ang lahat ng kailangang pangkabuhayan ng lahat ng mga pastor, diakonesa, missionaries, Bible school teachers, at iba pa, na pawang mga full-time Christian workers. — Ngunit ang sistemang ito ay hind posible sa panahon ng Bagong Tipan. At ni walang pagsisikap (attempt) na gawin ang ganito sa lahat ng nakalipas na dantaon ng Kristyanismo.
Sa makatuwid ay hindi lubos na angkop sa panahon ng Bagong Tipan na paniwalaang ang ikapu ng kapatid ay doon dalhin sa treasury ng kongregasyon na kaniyang dinadaluhan.
Dahil dito kapag tiningnan ang Malakias 3:10 at aalamin ang gusto ng Diyos na gawin ng mga mananampalataya sa panahon ng Bagong Tipan ay masusumpungang ang iniuutos na ang gawin ng kapatiran ay kung ano ang layunin ng Diyos sa ikapu na nasasaad sa talatang iyon:
“…upang may makain sa aking bahay.”
“…that there may be food in my house.”
Sinsabi ng talata na ang LAYUNIN ng ikapu ay upang may makain sa bahay ng Diyos. Dahil dito, ang isang manggagawa ng Diyos na buong panahon ang ibinibigay sa paglilingkod sa Panginoon, ay may karapatan sa ikapu ng kapatiran. Ang kaniyang ikabubuhay at pangunahing pangangailangang pampamilya (halimba ay ang pag-aaral ng mga anak) ay dapat manggaling sa ikapu ng kapatiran. Kung sa dinadaluhan ninyong simbahan ay mayroon ng sapat na tinatanggap ang mga full-time workers, kayo ay tinatagubilinan ng Banal na Kasulatan na huwag sundin ang aral na nagsasabing “ang iyong ikapu ay dalhin sa simbahan na doon ka kumakain ng pagkaing espirituwal.”
Kung sakali naman na kayo ay kaanib ng isang IRM congregation bago magtungo sa ibang bansa, sa inyo ay aking ipinakikiusap na sa inyong pinanggalingang kongregasyon ipadala ang inyong tithe o kaya ay sa opisina sentral na mayroon kayong instruction na gugulin lamang sa pangangailangan ng mga IRM full-time workers.
Kung sakali naman at kayo ay mananampalatayang Pilipino at sa inyong kinabibilangang simbahan ay sapat na at tama sa pamantayan ang tinatanggap ng inyong mga full-time ministers, ipinakikiusap kong sa Pilipinas na ninyo dalhin ang inyong ikapu. Kung mayroon kayong kakilala na full-time worker na lubhang maliit ang tinatanggap ay doon ninyo ipadala, o kung mayroon kayong alam na organisasyon na tumutulong sa mga may sakit at walang makain — doon ninyo ipadala ang inyong ikapu.
Ngunit kung sakali naman na inyong marapatin na tuwangan ang IRM ministry para sa lubhang malaking pangangailangan ng mga full-time workers — ipinakikiusap kong inyong ipadala sa pondo na tinatawag na “Missionary and Mission Need Fund”** ang inyong kaloob.
Inyo sa kapakanan ng milyong naghihintay na Pilipino,
BISHOP REYNALDO C DOMINGO
IRM Chairman
-————————————————————————————-
NOTES:
*Php2,000.00 is roughly equivalent to USD45.00, while Php3,500.00 is around USD78.00. This is actually below the current minimum wage even for workers in the province.
**If you want to get the bank details for remitting money to the Missionary and Mission Need Fund, please send an email to bishopreydomingo@yahoo.com.